Ang kapuluan ng Pilipinas sa kasalukuyan,
Ay sadyang umiindayog sa saliw ng kaguluhan,
Wala na ang kinang na noo'y nakabatubalani,
Bagkus, karupukan at polusyon ang namamayani.
Pati sariling wika ay unti-unti ng naglalaho,
Hinahayaang bulukin ng sangkatirbang mikrobyo,
Dapuan ng langaw o 'di kaya'y kutkutin ng anay,
Hanggang sa manghina, malanta at makitil ang buhay.
Bilang 'sang Pilipino, puso ko'y puno ng siphayo,
'Di ko maatim ang nakakahimbal na tagpong ito,
Ating pagkatao, para na rin nating niyurakan,
Sa hindi pagtangkilik sa sariling wika at yaman.
Kung tayong lahat ay totoong may pagpapahalaga,
Bumuo ng magandang adhikain at magkaisa,
Kailangan natin na maisulong ang kaunlaran,
Kaya tayong lahat ay dapat makipagsapalaran.
Sa pamamagitan ng paggamit ng sariling wika,
Na wala ni kunting pag-iimbot at may pagkukusa,
Tayo ay magkakaroon ng pagkakaunawaan,
Sa lahat ng mithiin para sa lupang tinubuan.
(This poem of mine has won 1st place in the "pagsulat ng tula" competition held at Tabango National High School on 2006.)

2 comments:
wa lami....oi
ka-nice ana..
Post a Comment